Half time ng laro ng Gilas Pilipinas at India. Hindi na naman ako ma-steady sa upuan. Naisip ko pumunta na muna ng panaderia at bumili ng bagong lutong pandesal.
Samantala, saktong dumating naman si Anish para sa kanyang arawang paniningil sa panaderia. Mabilis n'yang nakolekta yung halaga para sa Martes. Ngunit hindi n'ya naiwasan ang paguusisa ng isang pedicab driver na nag-pitstop muna para sa kanyang meryenda. Medyo nabigla si Anish at tila nagmamadali. Marami pa yata siyang kailangang puntahan.
"Anish, malakas din pala team n'yo!" sumbat ni Manong Pedicab Driver.
"Huh? Anuh?" Matagal na siya sa Pilipinas at natuto na ng pananagalog. Hindi n'ya yata na-gets yung tanong.
"Sa Fiba. Hindi ka ba nanonood. Kalaban ng Gilas yung mga kabayan mo ngayon!" Sagot naman agad ni manong.
"Ah yun bah. Ay hindi, Gilas ako, anu ka ba!" Sabay nagpaalam at pinaandar ang kanyang motor papaalis.
Nagumpisa ang third quarter. Medyo nakukuha na ng Gilas ang rhythm nila. Hanggang sa naka-double digit na yung lamang. Pero matindi din 'tong India. Bukod sa malalaki eh makikita mo din yung bilis nila. Mahusay din sa labas. Lalu na yung si Buruguduystunstugudunstuy. Teka, hindi ko maalala yung pangalan n'ya na pang-tongue twister levels! Basta yung magaling mag-tres na nag-behind-the-back-dribble sabay layup. Kinakabahan pa din ako lalu't paulit-ulit na fina-flash sa screen yung mukha nung coach ng India. Parang sinasabi ng Indian coach: "Makuha ka sa bangs!" Ang masama n'yan ay yung cutaway papunta kay Coach Tab. Bigla akong natuliro. Hoy, Fiba television director, ano gusto mo ipalabas!
Nag-worry ako dun sa bangs ni Indian coach. Baka may halong swerte. Muntikan ko na ngang gamitan ng kaisa-isang magic spell na alam ko: "wingardium leviosa!"
Buti nalang mas nanaig yung energy emissions mula sa bumbunan ni Coach Tab. Pumapalo na opensa natin. Humighigpit lalu ang depensa.
Hanggang sa nauwi na sa tambakan.
Hindi ko natapos ang laro kasi may sundo pa ako. As usual, COC muna. Child-Over-Country! Pero ganunpaman, tiwala din lang sa team, at siguradong hindi nila tayo bibiguin.
At yun nga. Napaganda yung resulta habang papalapit na nang papalapit tayo sa ating mithiing ginto. Nakuha din natin yung inaasam natin na pwesto sa grupo natin para sa Quarter Finals. Akalain mo yun! Samantalang isang linggo palang ang nakakalipas halos ipako na sa krus ng marami ang Gilas 3.0. Madaming mga nagalit. Nainis. At sandamakmak na nega na kesyo pang SEABA lang yung team.
Eh ano ngayon. Aba'y nasaan na yung mga magagaling na haters. Ohyeah! Well, #BalikLoob mode siguro. Siyempre naman. Kung yung mga Executives nga ng SMC eh naispatan na nanonood sa Changsha, eh ano pa kaya yung mga small time na mapagkanulo sa Gilas Pilipinas diba? Aba'y forgive and move on!
At dahil gusto natin ng good vibes para sa team, tinatanggap naman natin muli ang mga panandaliang tumalikod. Siyempre, fans lang din tayo. At sino pa aakay sa ibang fans kundi tayo ding mga ka-fans ng Gilas. Eh pano naman dun sa mga Executives na sa tingin ng marami eh hindi sumuporta sa pagpapanday ng Gilas 3.0? Ngayon ay medyo nagpaparamdam na yata ng suporta.
Change topic.
Buti pa si Anish. Banyaga man ay may utang na loob (at marahil ay may pagmalasakit) sa bayang kinalalagyan n'ya ngayon.
Comments
Post a Comment