Skip to main content

SANA Ma Beach!


Mas mabuti yatang tumigil nalang sa pagsuporta sa koponan ng bayan.

Mas mainam yata na manisi nalang. Mangutya nang lubus-lubusan. Mang-asar at sabihing mali sila. Tanga si Coach Tab at tinanggal si Abueva. Dapat pinaglaro si ganito. Dapat ginawa yung ganyang play. Dapat tinira na ni Chan, bakit pinasa pa. Dapat sa ilalim lang si Blatche. Dapat hindi si Blatche yung naturalized player natin. Sana hindi tayo yung first game kahapon. Sana nagpahiram yung ibang team noong Fiba Asia nung nakaraang taon. Sana pwede si Clarkson. Sana nanalo tayo sa France. Sana hindi nalang natin ni-boo yung Haka ng Tall Blacks (malas daw kasi na i-boo). Sana nilakasan pa natin yung sigaw. Sana hindi lang "De-fense...De-fense" yung alam nating i-chant. Sana hindi nalang tayo naging fans. Sana'y pag-ibig nalang ang isipin... (Teka, anong linya 'to?)

SANA. Punyemas na sana 'yan.

Sa umpisa kasi umasa tayo. Pero hindi sigurado. Alam mong pwede. Pero, nilinaw naman sa simula na malamang malabo. Pero pwede. Subukan. Baka sakali. Ganito ka-tentative. Pero sinubukan. Ibinuhos. Itinodo. Mukhang may ibubuga naman. Sana maka-chamba.

Makulay yung pagkatanggal nung Abueva. Nagulo ang madaming fans. Magtataka ka, marami sa nag-protesta ay sila din yung inis na inis kay Calvin sa PBA. Pero ngayon sila na ang mala-Salvador Panelo kung makapagtanggol na dapat sana kasama siya. Sana nga. Gusto ko rin naman si The Beast (siya kaya una kong blog entry dito, at tulad ng marami humahanga ako sa galing niya).


Kaya't mas madali nga naman na manisi nalang. Mas madali nga naman na magdunung-dunungan nalang na kunyari mas magaling pa tayo sa coach. Hindi hamak na mas madaling punain yung mga turnovers ni Ray Ray o di kaya yung pag-dribol ni Terrence, diba? Mas madaling magturo ng daliri. Mas madaling makipag-away nalang at makipag-sagutan sa social media. Makipag-debate na ikaw ang tama at sila ang mali dahil olats din naman tayo diba?

Mas madali kasi hindi nga tayo nagwagi. Itigil na 'tong kahibangan!

Ngunit hindi rin.

Ikaw pa rin yung dating tanga na walang humpay magmahal. Katulad ng pagmamahal mo sa aso mo na kahit medyo galisin. Katulad ng pagmamahal mo sa jowa mo na minsan nang kinalimutan ang monthsary ninyo. Katulad ng pagmamahal mo sa mga magulang mo na madalas ay parang sirang plaka sa pagpapaalala sa'yo. Parang pag-aaruga ng isang tropa na kahit nawi-weirduhan sayo ay hindi ka naman magawang iwan (sabay hirit sa'yo nang: "Baliw, basketball lang yan").

Ikaw at akoang mga walang sawang nasasaktan at laging umuuwing luhaan. Tayo na sa gitna ng lahat ng ito, ay sama-sama pa ring nahihibang. Nasa venue ka. Nasa bahay ako. Nasa opisina naman siya at palihim na nagla-livestream masundan lang ang team. Ikaw na nasa duty at nakaabang sa Twitter kung ano na ang score. Ako naman nasa lansangan at nagmamadaling makauwi para lang maabutan ang laro.

TAYOOo, kahit ikaw na ayaw sumangayon sa pananaw ko. Ikaw na kontrabida sa pananaw ng iba. Ako na madalas kumontra. IKAW na madalas ay AKO rin naman. Tayong nagmamahal sa koponan ng bayan!

Salamat Gilas Pilipinas. Hanggang sa muli! Isang malakas: Laban Pilipinas. Puso!!! 

…follow @labapilipinas on twitter for more sports laundering!

Comments

Popular posts from this blog

Interview with the Lobo

It's an historic game 7. And almost every party involved were asked for a word or two. They were saying bonuses not as important as the prestige of coming back from a 0-3 quagmire. The other team saying they've never been motivated to finish off what they have started. But one thing for sure is left in the dark. Literally all by their lonesome at the rafters.

Easy, Easy.

I'm not sure a lot would remember Lionel Richie's classic song Easy and its opening line: Know it sounds funny But I just can't stand the pain...